Saturday, November 15, 2008

Ferris Wheel

Linggo nun. Nagtangka na akong umuwi sa bahay namin. Mahigit isang buwan na rin simula nang mag-istokwa ako sa kadahilanang pineke ko yung school grades ko at pinangako ko kay tatay na may scholarship akong makukuha. Saklap. Sa sobrang pagka-guilty eto ako ngayon, nagt-type. Eto na ata ang isa sa pinakamahirap na bagay na tinangka kong gawin. Daig pa nga yung space shuttle tsaka yung ferris wheel sa enchated e. Gusto ko sanang magpatulong at magpasama sa mga kaibigan ko, kaso kung kelan naman kelangan ko sila saka naman di ko mahagilap sa mga bahay nila. Kung sa bagay, kinaya ko ngang gawin mag-isa e, kaya ko pa kayang gawin ulet mag-isa? Moment of truth, parang andaming hadlang. Nagsimba ako sa kapitbahay namin na simbahan. Lampas alas-tres na rin yun kaya siguro walang misa. Palapit pa lang ako sa pinto ng simbahan ng makakita ako ng kabaong. Nagulat ako kasi di ko alam na may libing pala pag linggo at nagpapamisa pa mismo sa simbahan. Nagdasal lang ako saglit nang pagtayo ko eh may nakasalubong akong isa pang kabaong na dadalhin sa altar. Tsk. Nagmadali na akong lumabas ng simbahan para maka-recover.

Takot ako sa kabaong at sa nasa loob nito. Sa katunayan nga nung bata pa ako, nung namatay yung lolo ko e di ko man lang tinignan yung nasa loob ng kabaong nya. Pakiramdam ko kasi eh baka kindatan ako nung nasa loob. Tsaka ampanget ng ambiance pag may patay. May ilaw na orange, biskwit, baraha, majong, kape at iyakan. Pero sa kabilang banda nagkakaroon ng instant reunion yung mga magpipinsan.

Maraming outlet papasok ng looban kung san andun yung bahay namin. Kaya namili muna ako ng mas safe na ruta. Pinili ko yung sa backdoor ng looban. Malakas yung kabog ng dibdib ko. Nakasalubong ko pa yung mga kalaro ko nung bata pa ako, kaso parang di na ata nila ako kilala. Naglakad pa ako papasok. Nakakita pa ulet ako ng burol, masamang pangitain. Napaimagine tuloy ako, baka habulin ako ng kutsilyo ni nanay pag nakita nya ako at sumunod na akong iburol. Nakita ko dun yung ninang ko na nagto-tong its sa burol. Sa tingin ko, di nya na rin ata ako namumukaan kaya dumiretso na lang ako ng lakad. Dami kong nakakasalubong na pinsan. Napansin ko rin nakawhite na polo pala ako. Akala siguro nila multo ako kaya di nila ako pansin at ambibilis ng lakad nila. Nainis na ako sa di nila pagpansin kaya ako na yung nang-harang. Buti nakilala ako nung isa kong pinsan. Ayun, malapit na sana ako sa bahay kaso nagkaroon ng dahilan para magback-out. Alis kami ni pinsan. Sa pagkidnap ko sa pinsan ko, kulang na lang magpakalbo ako at magsuot ng salamin para talunin si boy abunda sa dami nung mga tanong ko. Nalaman ko na nagmigrate na daw yung pamilya ko papunta sa di nya alam na lugar. In short, wala na pala sila dun. Ayun back to zero na pala ako. Sana makita ko pa sila..

1 Comment:

Anonymous said...

kuya true story ba yan? :)