Wednesday, October 29, 2008

Shrek

"Love is in the air, kaya hirap na naman akong huminga"

Lahat na lang! Ewan ko ba?! Ang pagkakaalam ko malapit na ang Halloween pero ang Valentine's malayo pa naman diba? Halos lahat kasi ng tao sa paligid ko kelangan na atang magpatingin sa espesyalista sa puso. Di ko rin alam kung ako lang ba yung may deperensya o talagang marami lang na taong may problema sa pag-ibig ngayon. Pati tuloy ako nadamay sa pamo-mroblema nila. Pati nga si Shrek may lablayp eh.

Sabi nila, naiisip lang daw ng tao ang problema sa love pag wala silang ibang maproblema. Sa kaso ko parang totoo yun. Nakakasawa na rin kasing isipin yung resignation na pinasa ko sa boss ko na pilit nilang dinedelay hanggang 15 days. Bukod sa umay na umay na ako sa trabahong iyon, wala pang mga chix. Kaya ngayon, wala akong ibang maproblema kundi ito.

Destiny is for real. Ilang beses ko nang ayaw paniwalaan yun kaso sa bandang huli nauuto pa rin ako. Mahirap palang itago yung pagmamahal lalo na kung malaki ito. Crush sya ng kaibigan ko. Di ko alam kung hanggang ngayon crush nya pa rin yun, pero ang alam ko crush ko na rin sya. Simula pa nung elementary ay sumpa na ata sakin ito. Sa tuwing magkaka-crush ako, asahan mo na crush din yun nung mga malalapit kong kaibigan. Hindi ko naman sinasadya yun, papansin lang talaga si kupido o kaya naman e madalas magkatabi kami nung kaibigan ko pag namamana sya kaya pareho kami yung tinatamaan.

Ngayon may part sakin na gustong lumayo at may part na gusto ring sumubok. Nagkaroon ako ng pagkakataon na kahit pano eh mapakita yung nararamdaman ko sa kanya. Sabi ko sa kanya liligawan ko sya kaso biro lang. Kung baga, testing lang kung romantic ba ako manligaw? Parang ang korni pakinggan kaso tinake ko na rin yung chance. Kahit papano maipapakita ko na rin yung nararamdaman ko. Lininaw nya rin naman sakin na di kami pede magkahulugan. Gusto ko sanang sabihin sa kanya na, "Wag kang mag-alala di ako bumbay. Di ka mahuhulog sakin"

Marami akong pangarap na romantic scene. Andun na yung pagdating ng first anniversary namin nung mahal ko eh magpapafireworks display ako. Ang-mahal siguro nun? Pero ayos lng libre naman mangarap eh. Andun pa yung magpapaprint ako ng tarp na may nakasulat na "Happy Monthsary" tas paliliparin ko sa langit gamit yung lobo na may kulay na favorite nya. Marami pa sana akong plano kaso sa ngayon eh itatago ko na lng, baka kasi mabadtrip sakin yung nagbabasa nito at di na magbasa ulet ng iba kong entry. Sa ngayon bahala nang pumalo yung destiny. Sana lang maging maganda at di ganun kasakit yung hampas nya.

End?

Saturday, October 25, 2008

Part 1

"Fate is the one building bridge of chance for your love"- lolo sa ilalim ng puno sa movie na "My Sassy Girl" korean version.

Ang akala ko dati sa pelikula ko lang makikita at sa panaginip lang ako makakaranas ng ganito. Epekto na naman ata ng love story na napanuod ko yung pagiging senti ko ngayon. Halos magiisang taon na rin kasi simula nang nangyari ang love story kong ito. Hanggang ngayon nga kinikilig pa rin ako. Iba nga daw kasi pag first time. Pag first love? Pero di tulad ng iba, di ako nakaramdam ng paru-paro sa tyan at aspili na tumutusok sa puso. Ang alam ko, humihinga ako nuon. Nung mga panahong iyon, napaniwala akong destiny/ fate is for real..

Hindi ko alam kung pano sisimulan. Pano ba naman kasi, kahit ako sa sarili ko di ko alam kung pano nagsimula. Basta ang alam ko nun, madalas akong mag-abang sa gate ng university para lang kumpletuhin ang araw ko ng isang babae na kahit pangalan eh hindi ko alam. Ayos na kahit di ko pasukan yung subject. Kahit matulog sa trigo. Kahit maging 5 sa chem lab. Ganyan ako nung mga panahong iyon.

Maganda sya. Well, maganda talaga. Chinita. Maputi. Simple. Sapat na siguro lahat ng katangian nya para magustuhan ko talaga. Adik ako sa mga intsik nung mga panahong iyon. Naaalala ko nga, nagpunta talaga akong china town para lang makakita ng mga chix na gaguhit lang ung mata. Kaso nasayang lang yung oras ko. Puro mga pinoy din yung nakita ko. Mga empleyado ng intsik na nagtitinda ng tikoy at mami.

Ilang buwan din akong paulit-ulit ang cycle ng pagpasok sa eskwela. Abang, lingon, ngiti, uwi. Humantong na nga ako sa pagiging stalker e. Mismo ako natatakot na sa sarili ko. Iba pala talaga pag gusto mo ang isang tao. Kahit ikaw sa sarili mo, halos di mo na rin makikilala. Nakakaumay pagmasdan ang mga pinaggagagawa ko. Kaya siguro nabadtrip ang tadhana. Gumawa na ng paraan..

Naglalakad ako pauwi nun. Madilim ang paligid, tanging streetlights lang yung ilaw sa kalye. Gabi na rin kasi kami natapos sa praktis sa choir. Normal lang yung lakad ko nun nang may makita akong grupo ng lalaki na parang may binabastos na babae. Nilapitan ko unti-unti. Namukhaan ko yung babae. Sya na nga. Ewan ko ba? Parang bumilis ang tibok ng puso ko at dalidalian akong sumugod para ipagtanggol sya. Di ko na inalintana yung laki ng katawan ng mga bogus na yun. Basta ang alam ko, ipagtatanggol ko sya. Nang nagkamalay ako, nakita ko na lang sya na nakatingin sakin at hawak ang aking mga kamay. Tinanong nya ako, "Ayos ka lang ba?" Sabay napangiti at nagpasalamat sa aking pagtulong. Unti- unti akong nakaramdam ng patak ng tubig sa aking pisngi. Napansin ko naluluha sya. Maya maya ay may kumurot sa aking paa, "Gumising ka na, tanghali na huy!" nanay ko lang pala yung kumukurot sakin. Ang akala ko totoo na. Yun pala tumutulo lang yung laway ko at napansin kong basa na yung pisngi ko..

(abangan..)